
Itinalaga bilang bagong pangulo ng PESO Association of Metro Manila (PAMM) si Glenda Zamora-Aniñon, hepe ng Public Employment Service Office (PESO) ng Muntinlupa City.
Nanumpa siya kasama ang iba pang opisyal sa harap ni Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Director Sarah Buena sa DOLE 2025 Kabuhayan Awards noong Setyembre 29.
Ang iba pang bagong opisyal ng PAMM ay sina:
• Jelene Sison-Lopez (Pasig City) – Vice President
• Marla Olivia Bello-Alom (Pasay City) – Secretary
• Amelia Martin (Parañaque City) – Treasurer
• Redante Garcia (Las Piñas City) – PRO
• Norman Mirabel (Taguig City) – Auditor
Bilang pangulo ng PAMM, sinabi ni Zamora-Aniñon na layunin niyang palakasin ang ugnayan ng PESO sa mga ahensyang tulad ng DOLE, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Migrant Workers (DMW), pati na rin sa pribadong sektor at komunidad.
Dagdag niya, patuloy nilang isusulong ang RA 11962 o Trabaho Para sa Bayan Act, bilang suporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapabuti ang kakayahan at oportunidad sa trabaho ng mga Pilipino.
Ang PAMM ay binubuo ng mga PESO heads mula sa iba’t ibang lungsod sa National Capital Region (NCR) at layunin nitong magsama-sama upang mas mapabuti at mapag-isa ang mga programa sa hanapbuhay at trabaho para sa mamamayan.
Samantala, ang PESO naman ang pangunahing tanggapan na namamahala sa pagbibigay ng mga serbisyong may kinalaman sa trabaho sa mga lokal na pamahalaan, kabilang na ang pagsasagawa ng mga job fair at job placement services.









