Umarangkada na ang Tagpuan Rice Response Delivery (TRRD) na maihahalintulad sa rolling store na ipinatupad ng ahensya maraming taon na ang nakalilipas.
Ito ay sa layuning ilapit ng National Food Authority (NFA) ang murang bigas sa pinakamahihirap na lugar sa bansa.
Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, ang TRRD ay pagtatagpo ng tatlong sektor na magtutulungan para makapagdala ng murang bigas sa isang target na kumonidad.
Bukod sa NFA, kabilang sa katuwang ng Tagpuan ang Local Government Units (LGUs) at mga retailers.
Sa TRRD program magiging papel ng isang LGU ang pagtukoy sa isang lugar kung saan maraming mahihirap na residente habang ang isang retailer ang mamamahala sa pagbebenta at monitoring naman at superbisyon ang trabaho ng mga tauhan ng NFA.
Idinagdag ni Estoperez na prayoridad ng TRRD ang malalayo at mahihirap na lugar at kumonidad ng mga indigenous people.
Bahala na aniya ang isang LGU kung anong araw itatakda ang Tagpuan Day at titiyakin ng NFA na may darating na suplay ng bigas na mabibili sa presyong 27 at 32 pesos.
Kabilang sa mga lugar kung saan umaarangkada at tinatangkilik ang Tagpuan Day ay sa mga Aeta communities sa Centralentral Luzon, Payatas sa Quezon city at iba pang depressed areas sa ibat-ibang bahagi ng bansa.