Murang PPE sets, magbibigay lamang ng mahinang proteksyon sa healthcare workers laban sa COVID-19 – Sec. Galvez

Iginiit ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na ang pagbili ng murang personal protective equipment (PPE) ay magbibigay lamang sa healthcare professionals ng mahinang proteksyon laban sa sakit.

Ito ang banat ni Galvez sa mga pumupuna sa pagbili ng pamahalaan ng PPE na nagkakahalaga ng ₱1,800 hanggang ₱2,000 bawat set.

Ayon kay Galvez, malalagay sa alanganin ang buhay ng mga frontliners kapag binigyan ang mga ito ng murang PPEs.


Binigyang diin ni Galvez na ang mga biniling PPEs ng pamahalaan ay ‘Medical Grade 4’ at ang procurement ay pinangasiwaan ng Department of Budget and Management (DBM).

Dagdag pa niya na bumababa ang bilang ng health workers na namamatay sa COVID-19 dahil sa PPEs na binili ng gobyerno.

Umabot na sa ₱20 billion ang nagastos ng pamahalaan para sa stockpile o paglalaan ng reserbang PPEs dahil batid ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtatagal ang coronavirus habang wala pang bakuna o gamot.

Inaasahang darating sa Lunes, May 18 ang unang batch ng 11 milyong PPE sets.

Samantala, ang isang milyong PPE sets na nagkakahalaga ng ₱1.8 billion na una nang nabili ng pamahalaan ay ipinamamahagi na sa 699 na ospital sa buong bansa.

Facebook Comments