Asahan na ang bagsak-presyong pork products sa mga palengke sa Metro Manila kasabay ng pagdating ng hog supplies mula Mindanao, Visayas at ilang bahagi ng Luzon.
Si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ay nakipagpulong sa mga hog producers mula sa SOCCSKSARGEN region nitong weekend para pag-usapan ang kolaborasyon para sa ‘whole-of-nation’ strategies para buhayin ang hog industry at mapababa ang presyo nito.
Ayon kay Dar, tutulungan nila ang hog raisers at mga nasa supply chain na kumita, habang naibibigay sa mga consumer ang abot-kayang meat products.
Noong February 6, pinangunahan ni Sec. Dar ang send-off ng dalawang trak na naglalaman ng 130 baboy, katuwang ang Koronadal Valley Livestock Growers, na inaasahang darating sa Manila ngayong linggo.
Ang ilang probinsya sa Visayas kabilang ang Iloilo ay nagpadala ng 600 baboy.
Ngayong araw, nakatakdang magkaroon ng dayalogo ang DA sa hog raisers sa Luzon para sa posibleng pagbiyahe ng baboy mula sa San Jose, Batangas.