Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang murder at grave misconduct complaintd na isinampa ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag laban kina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at BuCor Director-General Gregorio Catapang.
Sa inilabas na resolusyon ng Ombudsman, wala itong nakitang probable cause sa mga reklamong murder habang kakulangan sa substantial evidence naman ang dahilan kaya ibinasura ang administrative complaint.
Nauna rito, Enero ng taong kasalukuyan nang maghain ng mga reklamo laban kay Remulla at sa ibang persons deprived of liberty (PDL).
Ayon kay Bantag, si Remulla umano ang tunay na utak sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid noong October 2022 at middleman na si Jun Villamor.
Bahagi umano ng conspiracy si Catapang dahil pinayagan nito na mailipat ang mga PDL mula sa New Bilibid Prison patungo sa kustodiya ng National Bureau of Investigation.
Sinabi pa ni Bantag na si Remulla ang may motibo sa pagpatay sa broadcaster dahil siya ang binabatikos nito ilang araw bago ito mapatay.
Patuloy pa ring pinaghahanap si Bantag dahil sa pagkakasangkot nito sa pagpatay kina Lapid at Villamor.