Manila, Philippines – Ibinasura ng Department of Justice o DOJ ang reklamong murder laban sa tatlong pulis na itinuturong suspek sa pagpatay kay Quezon City Deputy Prosecutor Rogelio Velasco.
Batay sa resolusyon ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, walang nakitang sapat na ebidensya para sampahan ng kaso sina PO1 Jose Lunar Mercado, SPO2 Rodante Lalimarmo at PO3 Arthur Lucy at walong iba pa.
Giit ni Ong, hindi naman nakilala ang mukha ng mga akusado sa CCTV footage ng krimen.
Hindi rin binigyan ng bigat ng piskalya ang mga impormasyon na mula lang umano sa espekulasyon ng complainant.
Sa nasabing kaso, tumayong complainant ang National Bureau of Investigation Death Investigation Division at si Vanessa Velasco.
Magugunitang hinarang at pinagbabaril ng apat na tao na sakay ng puting innova si Velasco noong May 2018 habang nagmamaneho sa Barangay Holy Spirit ng nasabing lungsod.