MURDER | PNP, inihahanda na ang kanilang intelligence para sa pag-aresto sa 4 na dating mambabatas

Manila, Philippines – Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang intelligence gathering sa pag-aresto sa apat na dating mambabatas na may kasong murder.

Ayon kay PNP Intelligence Group Head, Chief Supt. Edmund Gonzales, hinihintay na lamang nila ang kopya ng arrest warrant laban kina National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Liza Maza, dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, dating party-list representatives ng Bayan Muna na sina Satur Ocampo at Teddy Casiño.

Aniya, kapag natanggap na nila ang warrant of arrest mula mismo kay PNP Chief Oscar Albayalde ay dito lamang sila gagawa ng hakbang para maaresto ang mga dating mambabatas.


Ang warrant of arrest para sa kasong murder ay may petsang July 11, 2018 na inisyu ni Presiding Judge Evelyn Turla ng Palayan City Regional Trial Court Branch 40 sa Nueva Ecija.

Base sa murder cases na inihain noong 2006 laban kina Maza, Mariano, Ocampo at Casino ay nag-ugat sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagpatay sa tatlong taga-suporta ng Bayan Muna.

Samantala, iginiit naman ng kampo ng akusado sa pamamagitan ng kanilang legal counsel na si Atty. Rachel Pastore, walang basehan ang mga alegasyon.

Facebook Comments