MURDER | Tracker teams, ipinakalat ng PNP-CIDG para matugis ang 4 na dating mambabatas

Manila, Philippines – Magpapakalat na ng mga tracker team ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para alamin ang kinaroroonan ng apat na dating mambabatas na may warrant of arrests.

Sabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, una na niyang inatasan ang CIDG na arestuhin ang apat na dating partylist representatives.

Sa ngayon may team na ring nakatutok para ipatupad ang pagsisilbi ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Evelyn Atienza Turla, presiding judge ng RTC Branch 40 ng Palayan City.


Kaugnay nito, nanawagan si Albayalde kina NAPC Chairperson Liza Maza, dating DAR Secretary Rafael Mariano, dating Representative Teodoro Casiño at Satur Ocampo na sumuko na lang sa mga otoridad.

Nilinaw naman ni Albayalde na hindi nila ginigipit ang mga ito at sa halip ay ipinapatupad lang nila ang utos ng korte.

Akusado ang apat sa umano ay pagdukot at pagpatay sa tatlong miyembro ng kalabang partylist na akbayan sa tatlong magkakahiwalay na insidente.

Facebook Comments