Muscle group, sangkot sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) na ang tinaguriang “muscle group” na una nang tinukoy ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) bilang nasa likod ng serye ng pagdukot sa ilang Chinese nationals noong nakaraang taon, ang posibleng siya ring grupo sa likod ng pagdukot at pamamaslang sa negosyanteng si Anson Que.

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen Jean Fajardo, kapansin-pansin ang pagkakapareho ng modus sa paggawa nila ng krimen mula sa paggamit ng duct tape sa ulo ng biktima hanggang sa pagsakal gamit ang nylon.

Dagdag pa ni Fajardo, pawang Chinese nationals din ang mga itinuturong suspek, at posibleng may kaugnayan sa paniningil ng utang ang motibo sa mga krimen, na karaniwang target ay mga kapwa negosyante.


Nagsimula aniyang dumami ang ganitong insidente matapos ipatigil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang operasyon ng mga POGO sa bansa.

Gayunpaman, nilinaw ng Pambansang pulisya na wala pa silang konkretong ebidensyang nag-uugnay sa POGO sa kaso ng negosyanteng si Que.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang backtracking ng mga pulis sa CCTV footage mula sa tatlong rehiyon sa Luzon para sa mas malalim pang imbestigasyon.

Facebook Comments