Pinagtibay muli ng Pilipinas at Estados Unidos ang Mutual Defense Treaty (MDT) at Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa inilabas na statement, sinabi ng Department of National Defense (DND) na ipinunto ni US Defense Secretary Lloyd Austin III ang isyung ito sa introductory phone call kay Defense Sec. Delfin Lorenzana kung saan pinag-usapan ang mga prayoridad na bilateral defense issues ng dalawang bansa.
Nakatakda namang magkita ang mga kinatawan ng Manila at Washington ngayong buwan para ayusin ang gusot sa VFA na sinuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Sa nasabi ring phone conversation, pinag-usapan ng dalawang defense chief ang sitwasyon sa West Philippine Sea at nagkasundo na ipatutupad ang maayos na international rules at norms, kabilang ang 2016 Arbitral Tribunal.
Tinalakay rin ang ilang regional security challenges katulad ng counter-terrorism at maritime security.