Pag-iisipan na ng pamahalaan ang paggamit ng mutual defense treaty nito sa Amerika oras na sumampa na sa BRP Sierra Madre ang Chinese Coast Guard.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, kung sa ngayon ay hindi pa nila itinuturing na “act of war” ang naging agresibong aksyon ng China sa mga sundalong nagsasagawa ng resupply mission sa Ayunging Shoal.
Ang BRP Sierra Madre aniya ay isang commissioned war ship ng Pilipinas na hindi dapat sampahan ng kahit anumang dayuhang bansa.
Giit ni Malaya, ito umano ang “red line” na hindi na dapat subukang lagpasan dahil magpapasya na ang gobyerno kung sasapat na ito upang maituring na act of war.
Pag-aaralan din ng pamahalaan kung kinakailangan na ang kolektibong depensa at resbak mula sa ibang bansa oras na mangyari ito.