Tinawag na premature ni Senator Risa Hontiveros ang isinusulong na Maharlika Wealth Fund (MWF) Bill ng pamahalaan.
Matatandaang kahapon ay sinertipikahang urgent ng pangulo ang panukalang sovereign wealth fund kung saan mabilis itong nailusot hanggang sa pinal na pagbasa ng Kamara.
Giit ni Hontiveros, ang pagpapatibay sa MWF ay premature at wala sa lugar ang pagprayoridad dito.
Hinaing ng senadora, distracted nanaman ang mga Pilipino sa ginawang ito ng pamahalaan lalo’t maraming mas mahahalagang isyu at problema na dapat inuunang solusyunan.
Aniya, ngayon pa lamang ay nasasaktan na ng husto ang ekonomiya ng bansa at mas lalo pa ang sakit na mararamdaman ng mga mamamayan kung mamadaliin ang pagkakamali na P250 billion Maharlika Fund.
Mas dapat aniyang ginagawang “urgent” ang pagresolba sa pagpapababa ng presyo ng pagkain para magkaroon ng disenteng Noche Buena sa hapag ng bawat pamilya ngayong Pasko.
Dagdag pa ni Hontiveros sa mas dapat pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang pagtaas sa sweldo ng mga manggagawa partikular ng mga guro at health workers gayundin ng ayuda sa mga matatanda, solo parents at mga may kapansanan.