
Tiniyak ng Migrant Workers Office (MWO) sa Jeddah, Saudi Arabia at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mabibigyan ng hustisya ang tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na biktima ng hit-and-run sa nasabing bansa.
Sa insidente, isang Filipino nurse ang nasawi, habang dalawa pa nitong kasamahan ang malubhang nasugatan.
Ayon sa paunang ulat, tumatawid ang mga Filipino nurse pauwi mula sa isang mall nang sila ay mabundol sa Tabuk City.
Isa sa mga nasugatan ay ililipat sa isang pagamutan sa Riyadh para sa karagdagang gamutan.
Naabisuhan na rin ng OWWA ang mga pamilya ng mga biktima at patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga ahensya sa mga awtoridad sa Saudi Arabia kaugnay ng imbestigasyon sa insidente.
Facebook Comments










