MWSS, iimbestigahan ang Maynilad kaugnay sa mga reklamo ng customer hinggil sa suplay at kalidad ng tubig

Iniimbestigahan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) – Regulatory Office ang water concessionaire na Maynilad Water Services Inc. hinggil sa reklamo ng mga consumer dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig at sa hindi magandang kalidad nito.

Inihayag ni MWSS Chief Regulatory Atty. Patrick Ty na pinagsusumite na nila ang Maynilad ng paliwanag kaugnay sa mga reklamong natatanggap nila mula sa Western Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite.

Aniya, nababahala sila dahil sa kasalukyang alokasyon ng Maynilad na 2,400 milyong litro kada araw sa Novaliches at ang pagpapatupad nito ng ilang hakbang upang matugunan ang epekto ng problema sa kanilang Putatan Water Treatment Plant.


Batay na rin sa Concession Agreement ay inaasahan ang water concessionaire na maghatid ng walang tigil na suplay ng tubig sa lahat ng kliyente nito at masiguro ang kalidad nito batay na rin sa pamantayan ng Philippine National Drinking Water Standards ng Department of Health (DOH).

Mababatid na nagpaliwanag ang Maynilad kung saan napilitan silang magkasa ng water interruptions dahil sa mataas na algae count sa Laguna Lake at sa delay ng pagkakadating ng kanilang mga kagamitan upang masolusyunan ang lumot sa lawa.

Facebook Comments