Nagbabala ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na paparusahan ang mga water concessionaires: Maynilad at Manila Water kapag nabigo silang ipatupad sa tamang oras ang itinakda nilang water interruption schedule.
Ito ay matapos umulan ng reklamo mula sa mga residente ng Metro Manila at iba pang lugar ang biglaang pagkawala ng supply ng tubig.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty – sa ilalim ng concession agreement, kinakailangan ng Manila Water at Maynilad na abisuhan ang mga customer sa anumang pagkawala ng serbisyo ng tubig.
Sinabi naman ni Ty – na bagamat hindi nila masisisi ang dalawang concessionaires lalo na sa sitwasyon ng kasalukuyang supply ng tubig lalo na at nagbawas ng alokasyon ang National Water Resources Board (NWRB) mula sa Angat Dam, may pananagutan pa rin sila.
Nasa higit 12 milyong customer ng Maynilad at Manila Water ang nakakaranas ng mahinang tulo hanggang sa walang supply ng tubig sa loob ng anim hanggang 12 oras araw-araw habang patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam.