MWSS, pinawi ang posibilidad na maulit ang 2019 water crisis

Pinawi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pangambang maranasan muli ngayong taon ang nangyaring water crisis noong 2019.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Lester Ty, posibleng makaranas pa rin ng water interruption pero hindi ito mauuwi gaya ng nangyari noong 2019 kung saan pumipila ang mga tao sa mga kalye.


Aniya, ang problema sa tubig ay dahil sa pagtitipid sa supply sa Angat Dam para matiyak na sasapat ito hanggang sa panahon ng tag-init.

Sinabi pa ni Ty na pinakikilos na rin nila ang Maynilad at Manila Water na muling buhayin ang kanilang mga naka-standby na deep well at iba pang mapagkukunan ng tubig.

Hinikayat din ni Ty ang publiko na magtipid sa pagkonsumo ng tubig.

Facebook Comments