Nasawi ang 5 myembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) habang tatlong iba pa kabilang na ang isang militar ang sugatan matapos tamaan ng bala at masabugan ng bombang itinanim ng mga rebeldeng komunista na kasapi ng Bicol Regional Party Committee of the Communist Party of the Philippines/ New People’s Army sa Sitio Pag-asa, Brgy. Mapulot, Tagkawayan, Quezon.
Sa ulat ni Quezon Director Col. Ledon Monte sa Kampo Krame, nangyari ang insidente habang nagpapatrolya ang pwersa ng pamahalaan sa nasabing barangay nang maka-engkwentro nila ang mga rebelde.
Tumagal ng 30 minuto ang bakbakan hanggang sa umatras ang mga rebelde dala ang mga sugatang kasamahan.
Matapos ang engkwentro, agad pinaigting ni Col. Monte ang pagbabantay sa seguridad sa lugar sa pamamagitan nang pagpapakalat ng Regional Mobile Force Battalion at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company.
Sinabi pa ni Monte na pinaigting din ang joint PNP-AFP Checkpoint sa koordinasyon ng COMELEC, habang nakikipag-usap sa mga kalapit na mga ospital at clinic kung mayroong dinalang sugatang rebeldeng komunista.
Matatandaang idineklarang insurgency- free ang Quezon Province noong June 12 kasabay ng 125th Philippine Independence Day celebration kung saan pinangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang province-wide declaration ng Stable Internal Peace and Security.