NA-ALARMA | NCRPO at PNP ARMM, naka heightened alert na dahil sa sunod-sunod na pagsabog

Manila, Philippines – Nasa-heightened alert status ngayon ang National Capital Region Police Office at Police Region Office ARMM matapos ang naganap na pagsabog sa Basilan, Antipolo at Masbate.

Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Benigno Durana, tanging ang NCRPO at PNP ARMM ang naka-heightened alert sa kasalukuyan dahil ipinauubaya na aniya ng pamunuan ng PNP sa mga Regional Directors ang pagtataas ng alerto sa kanilang area of responsibility depende sa sitwasyon.

Batay aniya sa directorate for operations, July 24, 2018 ay ibinaba sa normal alert status ang alerto ng PNP ARMM at NCRPO matapos itaas sa full alert status noong July 23, 2018 araw ng State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Sa kabila naman na naka heightened alert ang NCRPO at PNP ARMM, nanawagan ang PNP sa publiko na huwag mabahala dahil nanatili aniyang payapa ang bansa at nasa top of the situation ang PNP.

Ang pagtataas aniya ng alerto ay pagiging pro active lang ng kanilang hanay upang handa sa anumang mga hindi inaasahang sitwasyon.

Kaugnay naman sa naging pagsabog sa Lamitan City Basilan nakatutok na aniya sa insidente ang kanilang intelligence units upang matukoy totoong responsable sa pagsabog.

Facebook Comments