Hindi pa malinaw kung ang na-detect na dalawang mutation sa Cebu ay maituturing nang Philippine variant.
Ayon kay Philippine Genome Center (PGC) Executive Director Dr. Cynthia Saloma, hindi pa masasabi sa ngayon kung may umusbong na variant of concern sa Pilipinas gaya ng nakita sa Brazil, South Africa at United Kingdom.
Aniya, ang nakita sa mga sample sa Cebu na E484K at N501Y ay maituturing pa lang na mutation of potential clinical significance.
Paliwanag naman ni Health Secretary Francisco Duque III, mahirap pang maiugnay ang mga bagong mutation sa pagtaas ng bilang ng mga kaso sa Region 7 lalo’t niluwagan sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang community quarantine status ng rehiyon.
Una nang sinabi ng mga eksperto na natural para sa isang virus ang mag-mutate pero binabantayan pa rin ang dalawang mutation na ito.
Humingi naman ng dalawang linggo ang Center for Health Development sa Region 7 para mapag-aralan ang lahat ng mga hakbang para mas lalong paigtingin kabilang na ang contact tracing at pagpigil sa pagkalat ng virus.