Nilinaw ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi website ng ahensya ang napasok ng mga hacker kundi isa lamang itong ‘test site’.
Sa pagdinig sa Senado, tiniyak ni DICT Usec. Jeffrey Ian Dy sa publiko na wala namang laman ang nasabing site na unang napabalitang napasok ng mga hacker.
Paliwanag pa ni Dy, ang naturang test site ay ginagamit para suriin ang katatagan ng kanilang website laban sa mga cyber attacks dahil mayroon silang sariling vulnerability assessment at penetration testing.
Aminado naman si Dy na naiwan nila itong bukas kaya na-infiltrate ng mga hacker pero wala aniyang dapat na ipagalala ang publiko dahil wala talagang laman ito.
Tinanong naman ni Senator Alan Peter Cayetano ang DICT kung dapat bang bigyan ng confidential funds ang ahensya para tugisin ang mga hacker at maaari ding magamit na pang-reward para sa mga makapagbibigay ng impormasyon tungkol dito.
Ayon kay Dy, kulang talaga ang pondo ng DICT para sa pagpapalakas ng kanilang cybersecurity.
Nang linawin naman ni Cayetano sa DICT na kung kailangan nila ng pondo sa cybersecurity pero hindi kailangang idaan o ito ay dapat confidential funds, ito ay sinang-ayunan ni Dy.
Giit pa ng DICT, hindi kailangang confidential funds lahat ng kanilang pondo para sa cybersecurity pero ipinauubaya nila sa lehislatura kung i-ga-grant sa kanila o hindi ang pagkakaroon ng confidential fund.