Manila, Philippines – Nakuhanan ng video ang garapalang pangongotong ng isang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa isang dayuhang motorista.
Tiniketan raw ng traffic enforcer ang dayuhan dahil sa paglabag sa number coding sa kanto ng Blumentritt at Aurora Boulevard sa Sta. Cruz, Maynila.
Matapos nito, nakipag-areglo ang enforcer sa halagang P2,000 kapalit ng hindi nito pagkumpiska sa lisensya ng dayuhan.
Nang makuha ang pera, itinago niya ito sa kulay itim na file pad.
Pero nanghingi ng resibo ang dayuhang driver bilang patunay na nagbayad siya ng P2,000.
Nakipagtawaran pa ang babaeng kasama ng dayuhan pero hindi sila pinagbigyan ng traffic enforcer.
Wala pang pahayag ukol dito ang MTPB habang pinag-aaralan ng mga biktima kung magsasampa sila ng kaso laban sa enforcer.