Naaagnas na bangkay, natagpuan sa isang creek sa San Jose Del Monte City, Bulacan

Bulacan – Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa San Jose Del Monte City, Bulacan. Kinilala ang biktima na si Michael Angelo Remicio, 16-anyos na tatlong linggo nang nawawala sa Caloocan City.

Batay sa imbestigasyon, mag aalas-4 kahapon nang matagpuan ng isang basurero ang bangkay ng biktima sa gilid ng sapa sa Evergreen Subdivision, Brgy Gaya Gaya.

Nakabalot sa sako ang bangkay ng biktima at nakagapos ng alambre ang mga kamay.
Ayon kay ginoong Remicio ama ng biktima, Agosto ng ikalawang-linggo ng mawala ang kanyang anak matapos na hindi makauwi ng bahay.


Aniya mabait ang kanyang anak at wala siyang alam na kaaway nito.

Samantala, hindi naman isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na kay alyas Kulot ang natagpuang bangkay.

Matatandaan na hindi tumugma sa DNA ng mga magulang ni alyas Kulot ang bangkay na kanilang pinaglalamayan sa Cainta, Rizal.

Para makasiguro, kinuhanan din ng DNA ng San Jose Del Monte police ang naturang bangkay at ipinadala sa crime laboratory ng provincial police office.

Facebook Comments