Manila, Philippines – Naalarma ang publiko sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na may HIV-AIDS sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Health mula Enero hanggang Nobyembre 2017, nasa 10,111 kaso ng HIV ang naitala kung saan 428 ang namatay.
Mas mataas ito kumpara sa higit 8,500 kaso noong 2016 kung saan 96.5% sa naitalang kaso ay nakuha sa pakikipagtalik partikular sa lalaki-sa lalaki.
Pero sa interview ng RMN, umapela sa publiko si Ladlad Bureau Chief Patrick Espino na huwag isisi ang pagtaas ng kaso ng HIV-AIDS sa LGBT Community.
Sa interview ng RMN, sinabi naman ni Department of Health Spokesman Dr. Lydon Lee Suy na ang maigting na kampanya ng pamahalaan ang dahilan kaya mas maraming Pilipino ang naitatala ngayon na nagkakaroon ng HIV-AIDS.
Paliwanag ni Lee Suy – mas marami na ang itinayong pasilidad sa iba’t ibang lugar sa bansa at mas madali na ang pagpapa-test na isang patunay na mas “aware” na ang publiko sa nakamamatay na sakit.