Nagpaliwanag ngayon ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) dahil sa naranasang mahaba na namang pila ng mga pasahero sa mga istasyon ng tren kasabay ng pag-umpisa ng work week.
Ayon kay Tretch Melarpes, media relations officer ng MRT-3 nagkaroon ng pagkaantala sa deployment ng mga tren bago pa man buksan ang kanilang revenue operations kaninang alas-5:00 ng umaga.
Ito ay dahil aniya sa isinagawa na karagdagang ‘pre-insertion checks’ o mga pagsusuri bago ipasok sa main line ang tren upang matiyak ang maayos na operasyon at kaligtasan ng commuters.
Dahil dito, humihingi ng paumanhin ang train line sa mga naaabalang mananakay at sinabing gagawa ito ng mga paraan upang masiguro ang mataas na ‘train availability’ sa oras na magbukas sa publiko ang kanilang operasyon.
Sa mga oras na ito, mayroong labing-tatlong operational trains ang MRT-3 at lahat ito ay tumatakbo na sa main line.
Nasa walong minuto naman ang tinatawag na headway o tagal ng paghihintay sa biyahe ng tren sa susunod na istasyon.