Sinimulan nang gibain ang ilang mga istraktura sa bahagi ng Old Antipolo Street sa kanto ng Abad Santos Avenue sa Maynila bilang bahagi ng isinasagawang North South Commuter Railway project.
Personal na nagtungo sa clearing operations sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at Manila City Mayor Isko Moreno para malaman ang ilang mga plano, gayundin kung paano ilalatag ang nasabing proyekto.
Ayon kay Sec. Dizon, walang dapat ikabahala ang ilang mga bahay, paaralan, simbahan, at iba pang establisyimento dahil hindi sila maapektuhan sa oras na simulan na ang proyekto.
Nagpapasalamat naman si Mayor Isko sa DOTr dahil bukod sa hindi maapektuhan ang ilang mga bahay ay matutulungan pa ang Manila local government unit (LGU) na mapalawak pa ang floodway sa naturang kalsada upang maiwasan ang pagbaha mula Blumentritt sa Sta. Cruz hanggang sa Tondo.
Bukod dito, suportado ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang proyekto ng DOTr na napag-alaman na naantala ng dalawang taon dahil sa hinarang ito noong nakaraang administrasyon.
Simula naman ngayong araw ay ipatutupad na ng Manila LGU na one way ang daanan sa Old Antipolo Street para bigyan daan ang mga kagamitan partikular ang mga truck ng DOTr sa pagpapatayo ng North South Commuter Railway.










