Ipapapatawag na rin ng House Quad Committee para humarap sa pagdinig ang naarestong nakatatandang kapatid ni dating Presidential Adviser Michael Yang.
Ayon kay Committee on Public Order and Safety Chairman at Santa Rosa City Representative Dan Fernandez, tiyak na makakatulong ang pagkakadakip kay Tony Yang sa pag-usad ng imbestigasyon ukol sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at smuggling ng iligal na droga.
Sabi ni Fernandez, uusisain nila kay Yang kung paano ito nakabili ng lupa at nakapagtayo ng kompanyang Philippine Sanjia Steel Corporation sa Cagayan de Oro kahit ito ay isang Chinese national.
Tinukoy rin ni Fernandez ang itinatag ni Yang na Yangtze Group Trade kung saan konektado ang Yangtze Rice Mill na sangkot sa importasyon tulad ng bigas na idinadaan ang pagpasok sa Golden Sun Cargo Service na siya rin ang may-ari.
Binanggit ni Fernandez na kanilang kakalkalin ang koneksyon ni Yang kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Tiniyak naman ni Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers na syang overall chairman ng Quad Committee na hindi sila titigil hangga’t hindi nalalantad ang pagkasangkot ng magkapatid na Yang at lahat ng indibidual sa mga iligal na aktibidad na naglalagay sa panganib ng mamamayang Pilipino at banta sa ating pambansang seguridad.
Magugunitang sa pagdinig ng Quad Comm ni dating Customs Intelligence Officer Jimmy Guban ay idinawit nito sina Yang, Congressman Paolo Duterte, Atty. Mans Carpio sa P3.6 billion na ilegal na droga na nasabat laman ng magnetic lifters sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon.