Umabot na sa 10,721 na mga high value targets ang naaresto ng mga otoridad, simula ng umpisahan ng Duterte Administration ang kanilang giyera kontra iligal na droga noong 2016.
Batay sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, kabilang sa mga high value targets na naaresto ay ang 287 na mga dayuhan, 362 na opisyal ng gobyerno, 102 uniformed personnel at 445 government employees.
Nasa 3,098 naman ang naaresto mula sa target list, 751 na drug group leaders at mga miyembro nito, 66 na armed group members, 1,035 drug den maintainers, 232 wanted listed, 18 celebrities, at 4,325 mula sa mga high impact operations.
Tinatayang nasa 183,525 anti-illegal drugs operations ang isinagawa mula July 1, 2016 kung saan nasa 266,126 ang nahuli rito.
Naitala rin sa datos ng PDEA ang 5,942 suspected drug personalities na nasawi, mas mababa sa 27,000 katao na sinasabi ng local at international human rights groups.
Kabuuang p46.42 billion na halaga ng iligal na droga ang nasabat naman ng otoridad.
Sa ngayon ay nasa 20,538 barangays sa bansa ang drugs cleared na kung saan may natitira na lamang na 14,308 barangays.