Monday, January 26, 2026

Naarestong illegal recruiter sa Cavite, dating Employment Permit System worker —DMW

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na dating Employment Permit System (EPS) worker ang naarestong illegal recruiter sa Tanza, Cavite kanina.

Ayon sa DMW, inaresto si Marc Raro matapos makumpirma na ang kanyang pinapatakbong travel agency na R and T Travel and Tours ay sangkot sa illegal recruitment.

Napag-alaman na nag-aalok ito ng trabaho sa mga aplikante para ipadala sa South Korea bilang hotel cleaner at laundry shop worker gamit ang G1 visa na karaniwang ibinibigay sa refugees o asylum seekers.

Nabatid na nag-aalok ang travel agency ng sahod na P85,000 hanggang P125,000.

Kailangan ding magbayad ang mga aplikante ng P80,000 bilang processing fee at ng paunang bayad na P35,000 hanggang P40,000.

Hindi pa kasama sa nasabing bayad ang ticket sa eroplano patungong South Korea.

Ayon sa DMW, sa ilalim ng R.A. 10022 , hindi maaring magsagawa ng kahit anong recruitment activities ang travel agencies.

Facebook Comments