NABABAHALA | 2019 election, posibleng maapektuhan dahil sa malaking kaltas sa budget ng COMELEC

Manila, Philippines – Nababahala si ACT Teachers Rep. France Castro na maaapektuhan ang halalan sa 2019 dahil sa ibinawas na pondo ng Department of Budget and Management sa Commission on Election.

Dahil dito, nanawagan si Castro sa Kongreso na ibalik ang itinapyas na pondo sa COMELEC.

Dismayado ang kongresista dahil mas mababa ng P5.88 Billion o 36.73% ang budget ng komisyon sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act kumpara ngayong 2018.


Kasama sa ibinawas sa alokasyon ang para sa 2019 midterm elections kung saan P15.9 Billion ang iminungkahing budget ng COMELEC pero P6 Billion lamang ang ibinigay ng DBM.

Nangangamba si Castro sa kaligtasan at pagdaraos ng mapayapang halalan sa susunod na taon dahil sa kakulangan sa budget.

Maliban pa dito, higit na maaapektuhan ng kaltas budget na ito ang ibibigay na allowance at kompensasyon sa mga guro at kawani ng COMELEC na magsisilbi sa eleksyon.

Paalala ng lady solon na sa ilalim ng Election Service Reform Act, tinaasan na ang honoraria at compensation package ng mga miyembro ng Board of Election inspectors at iba pang election workers.

Facebook Comments