Manila, Philippines – Ikinakabahala ngayon ng ilang mga mambabatas na mauwi sa mas mataas na inflation rate ang bansa hanggang sa pagtatapos ng 2018 o hanggang sa unang bahagi pa ng 2019.
Ayon kay 1-PACMAN Partylist Rep. Mikee Romero, posibleng tumaas pa ang inflation sa mga susunod na buwan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa world market gayundin ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Dahil dito, hiniling ni Romero sa mga economic managers na magsumite ng plano sa Kongreso kung papaano pahuhupain ang inflation rate.
Aniya, posibleng kailanganin na ang pagpapatibay ng supplemental budget para tugunan ang negatibong epekto ng inflation sa bansa at amiyendahan na ang TRAIN law para hindi na sumipa pa ang inflation.
Paliwanag ng kongresista, ang dalawang macro-economic factors na pagtaas ng dolyar sa piso at langis sa world market ay magdudulot ng pressure para magsitaasan din ang pamasahe, singil sa utilities at sahod, at iba pang serbisyo.
Ibinabala din na maaaring manatili sa 4% hanggang halos 5% ang inflation rate sa susunod na labing dalawang buwan.