
Manila, Philippines – Nababahala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagkakasangkot ng mga menor de edad sa illegal drug trade sa bansa.
Sa datos ng PDEA mula 2011 hanggang June 15, 2018, aabot sa 2,111 minors na may edad 6 hanggang 17 taong gulang ay nadakip at nasagip dahil sa paglabag sa anti-drug law.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino – mula sa nabanggit na bilang, 959 na menor de edad ay pusher, 725 ay nahulihan ng droga, 277 ay drug users, at 111 ay nagtutungo sa drug den.
Aniya, nagagamit ng mga drug syndicate ang mga bata dahil ligtas ang mga ito sa criminal liability sa ilalim ng republic act 9344 o juvenile justice and welfare act of 2006.
Dahil dito, patuloy na isinusulong ng PDEA ang mandatory drug testing sa high school at college students sa pampubliko at pribadong eskwelahan sa buong bansa.










