Manila, Philippines – Nababahala na ang simbahan Katolika bunsod ng tatlong magkakahiwalay na kaso ng pinaslang na pari sa mga nakalipas na buwan. Ito ang sinabi ni Father Jerome Secillano.
Kasabay ng panawagan sa mga otoridad na laliman pa ang imbestigasyon upang maibigay sa mga pari ang nararapat na hustisya.
Sa kasalukuyan ayon kay Father Secillano, bagaman at may mga impormasyon silang natatanggap kaugnay sa mga pagpaslang na ito, ipinauubaya na nila sa mga otoridad ang imbestigasyon.
Mahirap kasi aniya, para sa kanilang hanay na beripikahin ang mga ito at ayaw na rin nilang makagulo sa pagtugis sa mga nasa likod ng pamamaslang.
Kaugnay nito, muli namang iginiit ni Father Secillano na tutol ang simbahan na armasan ang kanilang hanay para sa pagtitiyak ng proteksyon.
Hindi kasi aniya angkop ang konteksto na makikipagbarilan ang mga pari, o unahan na nilang barilin ang mga kahina-hinalang indibidwal na kanilang makikita.
Ang kanilang hanay ang nagsusulong na matuldukan na ang karahasan kaya at hindi tama na mapabilang sila sa dito.
Matatandaan nitong linggo lamang pinaslang si Rev. Fr. Richmond Nilo, parish priest ng St. Vincent Ferrer Parish sa Diocese ng Cabanatuan.
Noong December 2017 naman pinaslang si Rev. Fr. Marcelito Paez, Jaen, Nueva Ecija.
May 2018 nang paslangin si Rev. Fr. Mark Anthony Ventura ng Cagayan.
Habang naka-survive naman si Father Rey Urmenta, dating PNP chaplain, sa ambush in Calamba, Laguna noong nakaraang linggo.