Nabakunahan sa Phase 2 ng 3-Day National Vax Drive, Lumagpas sa Target

Cauayan City, Isabela- Lumagpas pa sa target na 46,191 ang nabakunahan kontra COVID-19 sa isinagawang 3-day massive vaccination mula December 15 hanggang 17, 2021 sa Lalawigan ng Isabela.

Batay sa inilabas na datos mula Integrated Provincial Health Office-Isabela as of 9:00 PM ng December 17, nakapagbakuna ang mga health workers ng probinsya ng 64,191 indibidwal mula sa target na 46,191.

Nadagdagan pa ang nasabing bilang nitong araw ng Sabado, Disyembre 18, 2021 kung saan mayroon ng 936,801 Isabelino o 84.7% mula sa 70% target population ang naturukan na ng first dose.


Umaabot naman sa 609,909 indibidwal o 56.1% ang Fully vaccinated sa Lalawigan.

Samantala, mayroon ng 10 bayan at Siyudad sa Isabela ang nakalampas sa 70% na target population na kinabibilangan ng Luna, Reina Mercedes, Gamu, City of Ilagan, Burgos, San Manuel, Cauayan City, Quirino, Mallig at Dinapigue.

Patuloy namang nananawagan si Isabela Governor Rodito Albano III sa mga Isabelinong hindi pa nabakunahan na magpabakuna na habang ang Isabela Provincial Health Office at Rural Health Units ay nagpapatuloy sa kanilang vaccination activity hanggang sa makamit ang herd immunity ng probinsya.

Facebook Comments