Nabakunahang Menor de Edad na may Comorbidity sa Region 2, Higit 5,000 na

Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa mahigit 5,000 ang nabakunahan kontra COVID-19 sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 na may comorbidities sa rehiyon dos.

Sa isinagawang Tipon-Tipan ng PIA Region 2, sinabi ni Joyce Maquera, Regional Vaccine Operations Center Manager ng DOH RO2 na mula nang ikasa ang vaccination rollout para sa Pediatric A3 with comorbidities sa rehiyon noong Oktubre 29, 2021 ay mayroon ng 5,533 sa mga ito ang nabakunahan.

Umaabot naman sa 9, 456 na mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 na walang comorbidity o rest of pediatric population ang nabigyan ng COVID-19 vaccine.


Ayon kay Maquera, dalawang brand pa lamang ngayon ng bakuna ang kanilang ibinibigay sa mga target na kabataan gaya ng Moderna at Pfizer.

Hinihikayat nito ang mga kabataang pasok sa nasabing edad na wala pang covid-19 vaccine na magparehistro na sa barangay o sa City Health Office para sa iskedyul ng pagbabakuna.

Sapat din aniya ang supply ng bakuna para sa mga target pediatric population sa rehiyon dos.

Sa ngayon, wala pa umanong natatanggap na ulat ang DOH2 mula sa mga nabakunahang kabataan na may comorbidities na sila’y nagkaroon ng severe adverse effect matapos silang maturukan ng bakuna.

Facebook Comments