Nabuwag at naaresto ng mga tauhan ng PNP CALABARZON at PNP Anti-Kidnapping Group ang mga miyembro ng organized crime groups na sangkot sa transaksyon ng iligal na droga, gun for hire activities at kidnapping.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, partikular na nabuwag at naaresto nang kanyang mga tauhan ang Peralta group na sangkot sa mga pagpatay sa Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Metro Manila at Cagayan Valley.
Ang grupo aniya ay pinamumunuan ni Ricardo Peralta na may kinakaharap na mga warrant of arrest dahil sa mga kasong multiple murder, kidnapping, carnapping, highway robbery at brigandage.
Si Peralta ay co-accused ni dating Gapan Mayor Ernesto Natividad sa pagpatay kat Ericson at Ebertson Pascual sa Nueva Ecija noong taong 2006.
Sa hiwalay na operasyon rin ng PNP-AKG sa Northern at Central Luzon, naaresto sina Dennis Matias, Mary Ann Mallari, Raymond Dequina, John Laña at Jackie Lou Isidro.
Nakuha sa mga ito ang dalawang assault rifles, dalawang handguns, isang carbine conversion kit, 22 na ibat-ibang ATM and credit cards,4 na mobile phones, isang shotgun, isang granada, dalawang IEDs at tatlong sports utility vehicles.
Sa San Pablo City na sakop pa rin ng CALABARZON, namatay matapos manlaban ang tatlong drug suspek, isa rito ay kinilalang si Christopher Alain Alvero, at dalawang iba pa.
Si Alvero ay high value target base sa drug watchlist ng l anti-drug abuse council ng San Pablo City.