Manila, Philippiens – Hindi nakontrol ni Finance Subcommittee Chairman Senator Sonny Angara ang kanyang pagkabwisit kay Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Director General Isidro Lapeña.
Sa budget deliberations ng Senado ay prangkang sinabi ni Angara na binabastos at pinapahiya siya ni Lapeña.
Si Angara ang nagdedepensa sa panukalang budget ng TESDA para sa taong 2019 na noong una ay nasa mahigit 14.6 billion pesos pero ibinaba sa 9.8 billion dahil ngayong taon ay 58 percent lang ng pondo nito ang nagamit.
Dagdag pa ni Angara, sa 6.9 billion pesos na pondo ngayon para sa implementasyon ng free college law sa technical-vocational institutions ay 1.25 billion pesos lang ang nagalaw kaya ang natitirang mahigit 5 bilyong piso ay magagamit pa ng TESDA sa susunod na taon.
Pero umapela si Senator Ping Lacson na ibalik ang mahigit 4.8 billion pesos na tinapyas sa pondo ng TESDA na pantustos sa mga technical-vocational institutions.
Paliwanag pa ni Lacson, buwan ng Setyembre lamang naibigay ng Commission on Higher Education o CHED ang pondo ng TESDA kaya naging mabagal ang paggastos nito.
Sabi naman ni Angara, handa siyang tulungan ang TESDA pero isang pambabastos na sa ibang mga senador pa lumapit at dumaing si Lapeña gayong siya ang nagdedepensa ng budget nito.