Nadiskubreng mutation ng COVID-19 sa Cebu, nahahawig sa Brazilian variant ng SARS-CoV-2; Posibleng lawak ng mutation sa lungsod, inaalam na ng DOH

Nagsasagawa ng pagsusuri ang Philippine Genome Center (PGC) sa mga na-detect na mutations ng COVID-19 sa Cebu.

Ayon kay DOH Region 7 Spokesperson Dr. Mary Jean Loreche, mas nahahawig sa COVID-19 variant na na-detect sa Brazil ang mga bagong mutation kumpara sa variant na nadiskubre sa United Kingdom.

Aniya, may posibilidad din na mas nakakahawa ang mga bagong mutation sa original strain ng COVID-19 pero hindi pa masasabi kung mas nakamamatay ito.


“May possibility po na medyo transmissible siya kumpara sa original na SARS-CoV-2 pero as for fatality na mas malala siya na makakamatay siya ng isang tao na may COVID, kailangan pa po dito ang pagsusuri kasi sa ngayon po, limited pa ang datos na meron tayo at kailangan pa ng pagsusuring mahigpit ng ating Philippine Genomic Center,” ani Loreche sa panayam ng RMN Manila.

Samantala, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, palalawigin nila ang bio-surveillance sa Cebu para matukoy kung gaano karami na ang mayroong E-4-8-4-K at N-5-0-1-Y mutation ng SARS-CoV-2.

Pero sa ngayon, hindi pa aniya maiuugnay ang mga bagong variant sa pagtaas ng COVID-19 cases sa Cebu.

Sabi ng kalihim, posibleng resulta pa rin ito ng pagtaas ng mobility rate sa Cebu matapos itong isailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).

“Dahil nag-MGCQ sila, so, nagluwag sila ng kanilang ekonomiya, quarantine so ‘yong mga tao lumalabas e ‘yong kakulangan sa pagsunod sa protocols e posibleng ‘yon ang naging sanhi ng pagtaas,” giit ni Duque sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments