Manila, Philippines – Nakapaglatag na ng alternatibong ruta ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa nagpapatuloy na volcanic activity ng bulkang Mayon.
Ayon kay DPWH Region 5 Director Danilo Versola, sakaling lumala pa ang sitwasyon ng bulkan, prayoridad nila na hindi ma- isolate ang mga munisipalidad na pinaka malapit dito.
Ayon kay Versola, kung ang ash fall ay manggagaling sa Timog Silangang bahagi ng bulkan, ang Tabaco-Ligao national secondary road ang magsisilbing alternatibong ruta kung maaapektuhan ang Legazpi-Sto. Domingo-Tabaco Road.
Sakali naman aniya na maapektuhan ang Camalig Section ng Daang Maharlika Highway, ang mga sasakyang magmumula sa Manila patungong Legazpi at Sorsogon ay maaaring dumaan sa Comun-Gapo-Peñafrancia National Secondary Road.
At sakali mang umabot ang volcanic ash sa Guinobatan area, ang mga biyahero mula Manila patungong Legazpi at Sorsogon, ay pinapayuhang dumaan sa Ligao-Tabaco Road.
Kabilang sa mga paghahandang una nang nagawa ng DPWH ay ang prepositioning ng mga heavy equipment at service vehicles ng ahensya sa mga stratihikong lugar, at pagmo-monitor ng mga pinakahuling aktibidad ng bulkan.