Albay, Philippines – Nagpakita ng sporadic at mahinang lava fountaining, pagdaloy ng lava at degassing activity ang bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras.
Batay sa monitoring ng PHIVOLCS, ang mga discrete episodes ng lava fountaining na tumagal ng 18 minuto hanggang 2 dalawang oras at 23 minuto ay sinamahan ng rumbling sounds na dinig pa lampas ng 10 kilometro mula sa bunganga ng bulkan.
Umabot sa 200 metro ang taas ng lava fountaining na sinamahan ng abo na ibinuga hanggang 400 metro ang taas mula sa summit bago bumagsak sa bahagi ng timog-kanluran at kanluran-timog-kanluran.
Sa nakalipas na magdamag naobserbahan ang pagdaloy ng lava at mga bato sa parte ng Miisi at Bonga-Buyuan channels.
Ayon pa sa PHIVOLCS kabuuang 54 volcanic earthquakes, na karamihan ay sinabayan ng lava fountaining events ang naitala ng seismic monitoring network sa Mayon.
Sa kasalukuyan,nanatiling nakataas pa rin sa Alert Level 4 ang status ng bulkan at hindi pa inaalis ang posibleng pagputok pa nito.