Albay, Philippines – Ipinag-Utos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbukas ng 24/7 DPWH Assistance Desk sa mga evacuation center sa lalawigan ng Albay.
Patikular na inatasan ni DPWH Assistant Secretary Eugenio Pipo Jr. si DPWH Region 5 Director Danilo Versola na gawin ito para pakinggan ang mga hinaing ng mga evacuees at maiparating sa tamang kinauukulan at agad mabigyan ng solusyon.
Nabatid na ilang concern ng mga evacuees ay tungkol sa isyu ng privacy at security.
Bilang tugon, nagpulong na ang lahat ng district engineers sa Bicol Region para mag-organisa ng mga epektibong pamamahala sa mga evacuation centers.
Sa ngayon, minamadali na ng ahensiya na matapos ang konstruksyon ng 333 temporary toilets na may kasamang pampaliguan sa 52 evacuation sites.
Walong public schools at relocation centers na nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga evacuees ang pinamamahalaan ng DPWH sa Daraga, Albay.