Manila, Philippines – Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na tutulungan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga “distressed” na Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait.
Ayon kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano, mas paiigtingin nila ang pakikipag-ugnayan sa Kuwaiti police at pagpapalakas sa 24/7 hotline para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong.
Kasabay nito, nanawagan ang kalihim sa Kuwait na papanagutin ang mga responsable sa pang-aabuso sa ilang Pinoy roon.
Nais din ni Cayetano na pakawalan na ang dalawang Pinoy na idinetene sa Kuwait dahil sa pagiging driver sa isinagawang rescue operations sa mga OFW.
Ipinaalis na rin ni Cayetano ang video ng rescue na ikinasama ng loob ng ilang Kuwaiti at pinarerepaso na rin ang tuntunin sa pag-post sa social media.