NAG-SORRY | Uson, humingi ng sorry

Binatikos ng Philippine Federation of the Deaf (PFD) ang umano ay pang-iinsulto nina Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson at blogger na si Andrew Olivar dahil sa video na ginawa raw katatawanan ang sign language na ginagamit na paraan sa komunikasyon ng mga may kapansanan sa pandinig.

Ayon kay Carolyn Dagani, presidente ng PFD, bamagan walang ibig sabihin ang ginagawa pagsa-sign language ni Olivar ay tila may kasama itong kabastusan.

Aniya, magpupulong sila para pag-usapan kung ano ang hakbang na kanilang gagawin dahil may batas na nilabag sina Uson partikular na ang magna carta for persons with disability.


Sa naturang batas, nakasaad sa Section. 39 na ipinagbabawal na gawing katatawanan, gayahin o kutyain sa pamamagitan ng panulat, salita o aksiyon ang mga person with disability (PWD).

Ang mapapatunayang nagkasala, maaaring pagmultahin nang hindi bababa sa P50,000 hanggang P100,000 o pagkakakulong na hindi bababa sa anim na buwan pero hindi sobra sa dalawang taon para sa unang paglabag.

Sa ikalawang paglabag, puwedeng multahan ng P100,000 hanggang P200,000 at pagkakakulong ng mula dalawang taon hanggang anim na taon.

Sa magkahiwalay na video post, kapwa humingi ng paumanhin sina Uson at Olivar sa kanilang ginawa.

Facebook Comments