Manila, Philippines – Iginiit ni dating Pangulong Noynoy Aquino na nahaluan ng pulitika ang Dengvaxia controversy.
Sa pagharap ni dating Pangulong Aquino sa joint hearing ng House Committee on Health at Good Government and Public Accountability, nanindigan ito na walang iligal at dumaan sa proseso ang pagkuha ng Dengvaxia vaccine.
Aniya, 2014 ay halos handa na ang bakuna at 2015 pinaalala sa kanila na dumaan ito sa proseso at pagsusuri para matiyak na mabisa at ligtas ang bakuna.
Pero, napuna ni Aquino na nagagatungan na ng isyung pulitika ang Dengvaxia at lalo lamang pinapalala ang sitwasyon.
“Balita na ngang marami na ang tumatanggi sa iba pang bakuna na walang kontrobersya. Ibig-sabihin, tinatanggihan nila ang proteksyon laban sa sakit. Katumbas noon ang posibilidad ng karamdaman, at karugtong noon ang lahat ng uri ng problema: gaya ng pagpapa-ospital, kawalan ng kita, at posible rin ang kamatayan. Baka di ito ang sadya ng mga namumulitika, pero narito na po tayo ngayon.”
Dahil sa pamumulitika na delikado ang Dengvaxia, marami na aniya ang ayaw magpabakuna sa ibang vaccine program ng DOH kahit wala namang kontrobersiya.
Sinabi pa nito na naging mainit ang usapin sa Dengvaxia nang maglabas ng warning ang Sanofi tungkol sa severe dengue kapag nabakunahan ng Dengvaxia vaccine.
Dagdag pa ni Aquino, hindi man naging ganap na matagumpay ang Dengvaxia, bago siya bumaba sa pwesto ay ginawa naman nila ang lahat ng makakaya para bigyan ng dagdag na proteksyon ang mamamayan.
<#m_1175002010603707735_DAB4FAD8-2DD7-40BB-A1B8-4E2AA1F9FDF2>