Naganap na pagbabakuna kontra COVID-19 sa Binondo, Maynila, hindi pa rin matukoy ng MPD

Hindi pa rin matukoy ng Manila Police District (MPD) ang umano’y nangyayaring COVID-19 vaccination sa Binondo, Maynila.

Ayon kay MPD Director Police Brigadier General Leo Francisco, hindi pa nila mapatunayan na may nagaganap na pagpapaturok ng bakuna kontra COVID-19 dahil sa wala pa silang mahanap na ebidensiya.

Unang kumalat ang balita na dinadala sa isang hotel sa Binondo ang mga kliyente at saka doon umano binabakunahan.


Dahil dito, nag-ikot ang MPD kasama ang Bureau of Permits ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa Binondo para alamin ang nasabing impormasyon pero hanggang ngayon ay hindi pa nila ito maberipika.

Kaugnay nito, patuloy ang imbestigasyon ng MPD para matukoy ang mga nasa likod ng sinasabing pagbabakuna laban sa COVID-19 sa may bahagi ng Binondo.

Matatandaang maging si Manila Mayor Isko Moreno ay nais malamam at mapatigil ang umano’y nangyayaring pagbabakuna kontra COVID-19 sa Binondo lalo na’t hindi ito otorisado kung saan nais niyang makasuhan ang mga responsable sa insidente.

Facebook Comments