Zamboanga Del Sur – Sumuko sa militar ang isa pang aktibong kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Zamboanga Del Sur.
Ayon kay 1st Infantry Tabak Division Commander Brig. General Roseller Murillo, ang sumukong rebelde ay nakilalang si Benson Niadas alias Rey, medic ng grupo ng MRGU, Western Mindanao Regional Party Committee.
Dala rin niya sa kanyang pagsuko ang kanyang m16 rifle.
Base sa isinagawang tactical interrogation ng militar kay Niadas, napag-alaman na kasama siya sa grupo ng mga NPA na nakipagsagupaan sa tropa ng 53rd infantry battalion kamakailan lamang sa Barangay Gasa Lakewood, Zamboanga Del Sur na ikinasugat ng ilang sundalo.
Matatandaan na dalawang sundalo rin ang nasawi nang maaksidente ang sinasakyan nilang military truck habang dinadala sa ospital ang mga kasamahan nilang nasugatan sa nasabing sagupaan.