NAGBABADYA | Contingency plan sa nakaambang ‘brownouts,’ pinasusumite ng Senado sa DOE

Manila, Philippines – Pinagsusumite ni Committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian ang Department of Energy o DOE ng contingency measures o agarang plano kaugnay sa naka-ambang malawakang brownout.

Ito ay makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado na magdudulot ng brownouts ang hindi maaksyunang rate applications ng mga distribution utilities na may kabuuang halaga na P1.588 trillion pesos.

Ayon kay Energy Regulatory Commission o ERC Chairperson Agnes Devanadera, resulta ito ng isang taong suspensyon sa apat na ERC commissioners.


Sabi ni Devanadera, ang brownouts ay posibleng maranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong taon.

Bunsod nito ay hiniling din ni Senador Gatchalian kay Devanadera na apurahin ang pag-aaral kung anong mga lugar ang posibleng maapektuhan ng mga brown-out.

Giit ni Senator Gatchalian, hindi uubra na hintayin na lang nila na basta mag-brownout lalo pa at papasok ang Marso o summer season kung saan inaasahang tataas ng 20 hanggang 30 porsyento ang demand sa supply ng kuryente.

Muli ding nanawagan si Senator Gatchalian sa tanggapan ng pangulo na agarang magtalaga ng kahit na acting commissioners para magkaroon ng quorum sa pagtalakay at pag-apruba sa mga nakabinbing requests sa ERC.

Facebook Comments