Manila, Philippines – Ibinabala ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Agnes Devanadera ang malawakang brownout sa bansa.
Kasunod ito ng isang taong suspensyon sa apat (4) na commissioner ng ERC.
Paliwanag ni Devanadera, kailangan ng presensya ng hindi bababa sa tatlong miyembro ng komisyon para makabuo ng quorom.
Sa ganitong paraan lang kasi aniya maaring mag-adopt ang ERC ng anumang ruling, resolusyon, kautusan o desisyon dahil isa silang collegial body.
Kapag hindi ito naaksyunan agad, maaring magkaroon ng brownouts at blackouts hindi lamang sa mga lalawigan kundi maging sa Metro Manila.
Nabatid na mayroon pang P1.59 bilyong halaga ng power service applications na nangangailangan ng agarang atensyon.
Kasabay nito, sumulat na rin siya sa Malakanyang para ipaliwanag ang mga implikasyon ng suspensyon.
Pero sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ikinukonsidera na ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang pagsibak sa apat na opisyal para makapagtalaga na ng mga papalit sa kanila at nang hindi maantala ang operasyon ng ERC.