Manila, Philippines – Nagbabala si Committee on Appropriations Vice Chairman Joey Salceda na posibleng umabot pa sa susunod na taon ang 6% na mataas na inflation rate.
Ayon kay Salceda, kailangan muna na magkaroon ng balanse sa ekonomiya bago maibalik sa 2% hanggang 4% ang inflation alinsunod na rin sa medium term Philippine Development Plan.
Dahil dito, asahan aniya na mananatili ang 6% inflation rate sa loob pa ng isang taon.
Bababa naman ngayong September 2018 ang inflation sa 6.1% at mananatili ang ganitong inflation hanggang sa katapusan ng taon.
Sinabi ni Salceda na dapat ay masugpo ang price momentum kung saan kung bababa ang presyo ng karne, manok, isda at bigas ay agad itong papasok sa Consumers Price Index at otomatiko ang magiging epekto nito sa pagbaba sa inflation.
Ngayon aniya ay tinitingnan na ng mga economic managers ang iminumungkahi nila ni House Speaker Gloria Arroyo na bawasan ang taripa karne, manok at isda para sa pagbaba ng inflation.