Manila, Philippines – Tiniyak ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na gagamitin ng adminsitrasyon ang buong kapangyarihan ng Martial Law sa Mindanao para labanan ang New People’s Army (NPA).
Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap narin ng paghiling ni Pangulong Duterte sa Kongreso na palawigin o i-extend ang Martial Law sa buong Mindanao ng isang taon.
Ayon kay Roque, kung gagawa ng anumang karahasan at terroristic act ang grupo ay talagang mararamdaman ng NPA ang buong kapangyarihan ng Batas Militar sa buong Mindanao.
Sinabi din naman ni Roque na bahala na si Defense Secretary Delfin Lorenzana na tumatayong Martial Law Administrator kung isasama ang pangalan ng mga miyembro ng NPA sa kanilang Arrest Order.
Matatandaan na kabilang ang pag-atake ng NPA sa Mindanao sa mga idinahilan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit kailangang i-extend ang Martial Law sa Mindanao bukod pa sa banta ng mga local at foreign terrorist group.