Manila, Philippines – Nagbabala ang mga senador laban sa pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kahit wala ang mga senador ay pwedeng solohin ng mga kongresista ang pagtalakay at pagboto para sa Charter Change.
Mensahe ni Senator Kiko Pangilinan, dapat mag-ingat ang Kamara sa pwersahang pagtulak sa isang iligal at makasariling Cha-Cha dahil taumbayan na at hindi lang ang mga senador ang magagalit sa mga ito.
Paliwanag naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, kapag sinolo ng Kamara ang Cha-Cha ay lalabagin nito ang konstituyson na nagtatakda ng bicameral o dalawang lehislatura.
Ipinaliwanag pa ni Recto na kung sa pagpapalit lang ng pangalan ng barangay ay dapat magkasama ang Senado at Karama sa pag-apruba ay lalo na sa pag amyenda sa saligang batas.
Sabi naman ni Senator Panfilo Ping Lacson, opinyon lang ni Alvarez na pwedeng solohin ng Kamara ang Cha-Cha na kontra sa posisyon ng mga senador, constitutionalist at legal experts.